Mag-aala sais na ng umaga.
Matagal koring di naranasan to – ang mapuyat ng todo. Siguro ay dahil sa palagi na akong natutulog ng maaga(kung maaga din para sayo ang alas dos ng umaga). Pero dahil nga sa holiday vacation ngayon – balik na naman ako sa dati kong gawi. Ang abutin ng umaga kaka inom ng mainet na kape habang pilit na pinipiga ang utak para may maisulat na kahit ano lang. At tagumpay na naman ako dahil 1. napuyat ako at 2. dahil may naisulat akong isang sanaysay (seriously – hindi ko alam kung ano ang itatawag ko dun, tula ba o essay?)
Natatawa nalang ako.
Kasi ba naman, kaninang bandang maaga aga pa (9 to 11pm) ay pinipilit ko ang sarili ko na magsulat. Na para bang gustong gusto ko magsulat pero 1. di ko malaman ang uunahin at 2. hindi ko alam kung paano ito isulat. Iyon nga mismo ang problema – hindi dapat pinipilit ang pagsusulat, kung nasa tamang tempo at ritmo ang damdamin mo – malaya kang makakapag sulat.
At para sakin, upang makuha ang sinasabing tamang ritmo o tempo ng damdamin – kailangan ko ng tatlong components (parang dorobo lang noh? haha). 1.Paulit ulit na pag inom ng mainit na kape sa madaling araw, 2. Tulog na dapat lahat ng kasama ko sa bahay at 3. Mabangag kakainom ng kape.
At presto! Meron na kong panibagong draft para sa aking blog (either produktibo o kaya’y patapon).
Ang iniluwal ng aking masalimuot na pagsisikap ay ang “elibs”. Kung sa slang na termino sa salitang Pilipino – ang ibig sabihin nito ay “bilib”. Bale, kung babasahin para syang pagpupugay sa aking mga kolektib dahil magkakasama parin kami ngayon. Pinapakita rin doon kung paanong mula sa pagiging makasariling mga tao ay na organisa sila at namulat sa reyalidad ng buhay. Kung bakit may pagsasamantala, sino ang mga nagsasamantala at kung paano lalabanan ang pagsasamantala. At mula sa mga panimulang pundasyong ito ay nagpatuloy sila sa pagpapalalim at tumagal sa kilusang mapagpalaya na kinabibilangan nila.
Kung babasahin, makikitang ginawa ito para i-cheer up ang kanyang mga kolektibs para hindi manghina, mapagod at lalo pang tumaas ang moral. Pero makikita rin na hindi lang ito ginawa para ahitahin(agit-in) ang kanyang mga kasama – kungdi para rin mismo sa kanya.
Dahil higit kanino man, alam nating minsan tayo mismo ang pinanghihinaan ng loob. Parang ako. Lalo na kapag hindi nagagawa ng masikhay ang mga gawain – Minsan umaabot sa pagka demoralisa.
Hindi dahil alam kong nagkasala ako sa king kalihin.
Kungdi dahil alam kong nagkasala ako sa masa.
At dala narin ng natitirang hibo ng liberalismo – madalas ay tinatago nalang natin ito sa ating mga sarili. Siguro ay dahil sa ayaw nating ipakitang nanghihina tayo.
Oo. Liberal na ako.
Bilang konklusyon,
Ang “elibs” ay isinulat ko dahil sa dalawang inspirasyon.
1. Pataasin ang moral ng aking mga kolektib at 2. Pataasin ang sarili kong sadsad sa lupang moral.
Totoo nga ang kasabihang habang lumalawak ang pang-unawa mo at dumadami ang kaalaman mo sa lipunan ay lumalaki at dumadami din ang mga kontradisyon na kakaharapin mo. Isang bagay lang, tandaan lang kung “PARA KANINO” ang mga ginagawa natin.
Kayat wag dapat panghinaan ng loob.
Para sa kilusang mapagpalaya – at para sa masa.
Teka, sobrang lamig na pala ng kape at paubos na. Makapag timpla pa kaya ng isa?
SORAL 23DEC09 0704am