November 16, 2004. Naganap ang isang trahedya. Isang trahedyang kumitil ng pitong magsasaka at nag iwan ng daan daang sugatan. Isang trahedyang kumitil ng maraming buhay para lang mapangalagaan ang interes ng iilang naghaharing uri; partikular ng pamilyang Cojuangco-Aquino – mga pamilyang nagmula sa uring Panginoong May Lupa. Ang Kalunos lunos na araw na iyon ay nagluwal ng pitong namatay na magsasaka at sinundan pa ng panibagong pito ilang araw lang pagkatapos ng masaker.
NgayonNovember 16, 2009. Limang taon matapos ang masaker; opisyal nang idineklara ni NoyNoy Aquino at ng kanyang Liberal Party ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo para sa May2010 elections.
Sa kawalan ng aksyon ng kanyang pamilya ukol sa pagkamatay ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Pagkatapos nyong mabasa ang kalunos lunos na trahedya ng Hacienda Luisita. Bigyan nyo ako ng dahilan kung bakit kailangan nating iboto ang isang Aquino sa pagka pangulo?(Bukod sa dahilang Aquino ang apelyido nya)
Ito ang trahedya ng Hacienda Luisita Massacre
Dahilan ng paglaban..
Hindi naman talaga pagaari ng pamilya Cojuangco ang lupain sa Hacienda Luisita. Inagaw lang naman nila ang 6,453 na ektarya ng Tabacalera at Central Azucarera de Tarlac sa pamamagitan ngpag utang sa Central Bank noong 1957.
Dahil nga sa kinamkam na ng pamilya Cojuangco ang malawak na lupain ng mga magsasaka, at dahil sa wala naring nagawa ang mga magsasaka dahil maliliit na tao lamang sila ay wala na silang nagawa kungdi pumayag na maging manggagawang bukid nalang ng Hacienda. Ang mga manggagawang bukid ng Hacienda ang bumubuhay at nagpapaunlad sa produksyon ng buong Hacienda.
Ngunit kahit na sila ang nagtataguyod dito; hindi parin naging makatao ang trato sa kanila. Katiting na P18 ang take home pay ng mga sakada at P9.50 sa kaswal sa 2beses na trabaho kada linggo; Tinaggal ang 327 unyonista; Hindi ibinibigay ang mga benepisyo sa mga mangagagawa ng asukarera; Binuwag pa ang welga sa assumption jurisdiction ng DOLE at sinalakay pa ng mga sundalo.
Isang manipestasyon lang ito kung gaano kabulok ang kasalukuyang umiiral na sistema ng ating lipunan. Isang lipunan kung saan ang mga mayayaman ay protektado ng mga reaksyunaryong batas at sundalo dahil sa sila ang mga may kakayahang magbayad para sa mga ito. At sa kabilang banda – ang malawak na magsasaka na ang tanging hiling lamang ay karampatang sahod dahil sa hindi nakasasapat ang di-makataong sahod na P9.50 na ibinibigay sa kanila ng management ng Hacienda.Sa tingin nyo ay paano pagkakasyahin ng isang manggagawang bukid ang sahod na P9.50 kada araw para sa kanyang panilya?
Simula ng paglaban..
Marangal at disenteng sahod. Iyan ang pangunahing hinaing ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Napatunayan narin naman ng ating kasaysayan – na sa pamamagitan ng sama samang pagkilos ay epektibong mairerehistro ng masang api ang kanilang demokratikong karapatan. Iyan nga ang ginawa ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita. NIlagot nila ang tanikala ng pagsasamantala sa pamamagitan ng pagpaparalisa ng produksyon sa buong Hacienda at pagtatayo ng picket line sa labas ng gate ng Hacienda upang marinig ng management ang kanilang demokratikong hinaing.
Sagot ng Estado : Pasismo
Ngunit imbes na maawa ang pamilya Cojuangco sa kalagayan ng mga magsasaka ng Hacienda; imbes na ibigay nila ang nararapat na sahod sa mga ito; imbes na ibigay nila ang demokratikong karapatan ng mga magsasaka.. Ang sinagot ng pamilya Cojuangco at ng estado – PASISMO.
Pito. Pitong magsasaka ang walang awang pinatay ng araw na iyon. Bakit kinailangan silang paputukan ng mga pulis at sundalo? Armado ba sila? Ang tanging sandatang dala lang naman nila ng mga panahon na iyon ay ang kanilang demokratikong interes. Kailan pa naging mali ang paggiit para sa tunay na repormang agraryo? Kailan pa naging mali ang paggiit para sa karagdagang sahod dahil hindi nakasasapat sa pamilya ng mga magsasaka ang sahod na P9.50 kada araw? Siguro sa kasalukuyang sistema ng lipunan na umiiral ngayon – lahat ng paggiit sa demokratikong interes ng mga mamamayan ay mali.
Hindi pa nakuntento : pagkatapos ng araw ng masaker ay nasundan pa ng pitong pagpatay muli sa mga magsasaka. Isang malinaw na manipestasyon lamang ito ng pagpapakita ng tunay na kulay ng estado. Isang estadong nagpoprotekta lamang sa interes ng iilang mayayaman at nagtataboy naman sa mga demokratikong karapatan ng mga mahihirap.
Kung gayon marapat lang siguro na palitan at baguhin natin ang bulok na lipunang ito. Isang lipunang nagsisilbi sa interes ng karamihan. Isang lipunang nagsusulong ng pambansang demokrasya.
Pero bago ang lahat, matanong ko lang : Ano ba ang naging tugon ng pamilya Aquino-Cojuangco sa pagkamatay ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita? At ang kumakandidato ngayong si NoyNoy, nasan ba sya ng mga panahong iyon?
Tanong :Bakit kailangang maging panatiko ng kulay dilaw? Kung itoy nabahiran na ng dugo?
Hindi ko tuloy lubos na maisip : Kung paano naging ka-popular si Cory sa mga mamamayan. Hindi ba alam ng mga tao na sangkot na ang kanyang pangalan sa dalawang kaso ng masaker sa mga magsasaka? Siguro ay dahil sa malawak na suporta ng mass media at pinalabas nalang nila na hindi nangyari ang Hacienda Luisita at Mendiola Massacre. Walang nangyaring pagpatay sa mga magsasaka.
Mayroon bang syang nagawa, bilang sinasabi at pino-popularisa ng mass media na “ina ng demokrasya” para sa pagkamit ng hustisya ng mga magsasakang pinatay sa mismong Hacienda nila?
Isang eksena tuloy ang nabuo sa isipan ko : Habang umiiyak nun si Kris noong libing ng kanyang ina – ang mas nananaig sa isip ko ay ang babaeng umiiyak dahil sa ang kanyang asawa ay isa sa nabaril sa nasabing masaker. Habang umiiyak naman sa tabi nya si baby James – hindi parin mawala sa isip ko ang itsura ng batang paslit na maagang nawalan ng ama.
Oo. Mabait na tao si Cory. Sa isang partikular na panahon pa nga ay naging kaisa natin si Cory sa ibat ibang laban ng mamamayan. Mula sa pakikipaglaban sa dikdaturang Marcos, hanggang sa pagpapatalsik sa rehimeng corrupt ni Erap at maging sa huling sandali ng kanyang buhay – ang pakikipaglaban kasama ng mamayan sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Pero ito ang pakatatandaan natin : Kahit sinong Presidente man ang humalili sa ating bansa, hanggat nanantili ang frameworn ng kasalukuyang sistema ng lipunang umiiral ay hindi parin mawawala ang pagsasamantala sa mamamayan.
Ito lang ang gusto kong sabihin : Kahit na alam nating mabait si Cory – hindi parin nya nabigyan ng hustisya ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Dahil ang kasalukuyang sistemang pinaglilingkuran nya ay hindi nagsisilbi sa interes ng mamamayan, kungdi sa interes ng mga tulad nilang naghaharing uri. Ganun ka simple.
NOYNOY?
At ngayon naman ay ang kanyang anak. Parang kailan lang ay sinabi nya na hindi sya tatakbo sa pagka pangulo dahil magagaya sya sa kanyang ina na minana ang isang bulok na lipunang kagaya ng iniwan ni Marcos sa kanyang ina. Pero nasan sya ngayon? Dala ng popularidad at bigat ng kanyang pangalan at dala narin ng suporta ng mass media (ABS, Inquirer) ay isa sya ngayon sa nasa taas ng mga surveys sa pagka pangulo.
Dito ay makikita ang bigat ng pangalan nya. Dahil ni wala pa nga syang inilalatag na plataporma at programa para sa mga mamayan ay ganun na agad ang suportang nakukuha nya sa mga tao.
Pero kailangan nating magsuri. Nasan ba si Noynoy nang maganap ang Hacienda Luisita Massacre? Nasan ba sya nang mga panahon na sumisigaw ang mga magsasaka para sa hustisya at katarungan? Nasan ba sya sa panahon ng paglaban ng mamamayan sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo?
Ang gusto ko lang linawin sa mga nakakabasa nitong aking blog entry : Ni hindi nga naging parte si Noynoy ng tuloy tuloy na paglaban ng mamamayan para sa kanilang demokratikong karapatan noon; pero ngayon ay bigla syang susulpot at nangangako ng “Pagbabago”?
Kahit papano nga, di tulad nya – ang mga kasabay nyang Presidentiable ngayon ay naging malakas na kritiko ng rehimen ni GMA mula panoon. Pero sya? naging bukas na kritiko ba sya laban sa kabulukan ng rehemen ni Arroyo? Pero dahil sa napaka popular nga nya ay ganun na lang ang pagsuporta sa kanya maging ng mga kanang oportunistang tulad ng Akbayan at iba pang kontra Kaliwang pwersa. Kung atakihin nga ng mga propagandista ni Noynoy ang ibat ibang Presidentiable – akala mo ang manok nila ang pinaka naging matapang sa paglaban sa rehimen ni GMA.
Ni hindi nga nya nilinaw kung ano ang plano nya sa Hacienda Luisita. Kung ibebenta nya na lang ba ang kanyang share dito o lubusang ipamamahagi ito sa mga magsasaka. Ang ibinabandila ngayon ng campaign machinery ni Noynoy na “Pagbabago” at kahit kailan ay hindi nasagi ang kanyang pangalan sa korupsyon.
Pero anongPagbabago ba ang sinasabi ngayon ni Noynoy? Kung hanggang ngayon ay parang isang blangkong papel parin sya dahil wala pa syang sinasabing plataporma at programa nya bilang Presidentiable?
At kahit na sabihin nating kahit kailan ay hindi sya nagnakaw sa kaban ng bayan; hindi naman maikakaila na ninanakawan naman ng kanilang pamilya ang mga magsasaka ng lupa sa matagal nang panahon.
Ito ngayon ang hamon kay Noynoy ng mamamayan : Ipamahagi nya ang lupa sa mga magsasaka at bigyang katarungan at hustisya ang mga magsasakang kanilang pinatay sa Hacienda Luisita!
Ngayon. Pagkatapos malaman ang istorya at trahedya ng Hacienda Luisita; eto ang tanong ko na sanay maging tanong nyo nadin sa inyong mga sarili – Bigyan nyo ako ng dahilan kung bakit kailangan nating iboto ang isang Aquino sa pagka pangulo?(Bukod sa dahilang Aquino ang apelyido nya)
SORAL 112009 – 1220am —–Mga ilang pahabol.
* November 16 2009. Sa mismong anibersaryo ng Masaker ng Hacienda Luisita – habang idinedeklara ni Noynoy ng Liberal Party ang kanyang kandidatura sa pagka Presidente ay nagsagawa naman ang ibat ibang progresibong organisasyon tulad ng KMU, BAYAN MUNA at iba pa ng isang centralized caravan mula Maynila tungong Hacienda Luisita sa Tarlac. Naging mainit ang pagsalubong ng mga magsasaka sa ating mga kasama. Sa ibaba ay ilan sa mga litrato.
Galing ang mga litrato dito